Abante Tonite Interactive

Mga TF sa opening, closing P73M — APC

536

Aabot sa P73,251,550 ang gagastusin ng bansa para sa mga talent fee ng mga world class na singer, composer at mga artist na magtatanghal sa pagbubukas at pagpinid ng 30th Southeast Asian Games 2019 sa Nobyembre 30-Disyembre 11.

Sa dokumento na nakuha ng Abante Tonite na may petsang November 12 at nakalagay bilang SEA Games P6B budget for Monitoring, kabilang sa may pinakamalaking babayarang TF sina Lea Salonga at Ryan Cayabyab na kakanta at at nagsulat ng theme song ng SEA Games.

Magsusubi si Salonga ng P1,425,000 para sa pag-awit ng ‘We win as one’ samantalang magbubulsa si Cayabyab ng P1,140,000 sa kanyang paglikha ng awitin at pagiging musical director sa seremonya.

Kabuuang P44,186,550 pa ang nakapaloob sa papeles ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee o Phisgoc na pinamumu­nuan bilang chairman ni Hose Speaker Alan Peter Cayetano na nasa ilalimn ng ‘various talent fees and technical requirements outside of Project 6’ at karagdagan pang P26,000,000 sa ­talent fee for closing ceremony performer BEP o Black Eyed Peas na US$550K.’

Una nang inilunsad ng bandang Johnny Cross sa binuong mga ­awitin na pampasigla at alay atleta ang “­Pilipinas Kong Mahal” sa Send-off ng ­Bayan, Laban Para sa Bayan bilang ­tulong sa Philippine Sports ­Commission, na nagnanais maging pangkalahatang kampeon ulit ang ‘Pinas sa ikalawang pagkakataon sa 11-nation, 12-day sportsfest. (Lito Oredo)