Abante Tonite Interactive

Mga trabahador sa Technohub may panawagan kay Duterte

339

Kabado na ang libo-libong mga empleyado sa Technohub, partikular ang mga BPO woker na tatamaan sakaling gumulong ang imbestigasyon sa lease contract sa pagitan ng Ayala Land Inc. (ALI) at ng University of the Philippines (UP).

“Sa mga nangyayari ngayon at sa mga nababasa mo, nakakatakot na baka isang araw magising ka na lang na wala ka na palang mapapasukan kasi ipinasara na,” pahayag ni Virmel Villareal, 31, nagtatrabaho sa Synnex-Concentrix, isang BPO company sa Tehnohub.

“Nananawagan kami kay Pangulong Duterte, huwag naman sana ka­ming mawalan ng trabaho. Napakahirap mawalan ng trabaho sa panahong ito,” pahayag ni Virmel.

Ganoon din ang sentimyento ni Paula Biazon, nagtatrabaho rin sa Synnex-Concentrix at umapelang huwag sanang madamay ang kanilang trabaho sa gagawing imbestigasyon sa Technohub deal dahil mahirap maghanap ng trabaho ngayon.

Giit naman ni Ma. Cristina dela Vega, isang call center agent sa Convergys, huwag sanang magpabigla-bigla ang Malacañang at bigyan ng pagkakataon ang Ayala Land na magpaliwanag.

Umaasa naman si Ferdinand Abelardo, isa ring call center agent sa Convergys na isasaalang-alang ng Palasyo ang kanilang trabaho sa gagawin nitong imbestigasyon sa Technohub.

Binigyang-diin niya na hindi siya tatagal sa Technohub kung hindi maganda ang palakad ng ALI, sa katunayan umano ay masaya sila at maayos na nagtatrabaho roon dahil sa magandang benepisyo rin na kanilang natatanggap.