Abante Tonite Interactive

Mga traffic enforcer ng Maynila, 6-buwang walang suweldo

416

HINDI pa rin umano nakakasuweldo ang mga miyembro ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) sa loob ng anim na buwan mula sa Lokal na Pamahalaan ng Maynila.

Nabatid na unang nangako umano ang pamahalang lungsod noong Lunes na aayusin na ang kanilang suweldo pero hanggang noong Biyernes (Hunyo 7) ay namuti na ang kanilang mata sa paghihintay ng inaasahang sahod.

“Pina-process na daw pero hindi namin alam kung kelan kami sasahod,” ayon kay Rodelio Ocampo, miyembro ng MTPB.

Sanhi ng hindi pagsuweldo ng mga miyembro ng MTPB, marami sa kanila ang tinatamad na mag-duty.

Matatandaan na noong nakalipas na linggo sumugod ang mahigit 100 miyembro ng MTPB sa tanggapan ni Manila Mayor Joseph ‘Erap’ Estrada para igiit na ibigay na ang anim na buwan nilang suweldo.

Ayon kina Ocampo, kailangan ng kanilang pamilya ang suweldo dahil papasok na ang kanilang mga anak at kinakailangan ng pambili ng gamit sa paaralan.
Tinangkang kunin ng Abante ang panig ni Estrada subali’t hindi ito maabutan sa kanyang tanggapan.(Juliet de Loza-Cudia)