Abante Tonite Interactive

Mga tulak balik sa pamamayagpag

0 264

Nakakabahala ang pagkakaaresto sa isang Chinese national na nahulihan ng P2.5 bilyon ng hinihinalang shabu sa Makati City.

Aba’y nagdulot daw ng pagkatakot sa mga taga-Metro Manila ang balitang ito lalo na’t ang Philippine Natio­nal Police Drug Enforcement Group (PNP-DEG) ang nakasukol sa suspek.

Kung PNP-DEG ang nakaaresto, mukhang naiskupan nila ang National Capital Region Police Office (NCRPO) at hindi namalayan itong Chinese national na si Lui Chao na may malaking operasyon ng iligal na droga sa Metro Manila.

Mukhang nawala sa radar ng NCRPO ang pangunahing misyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na pagsugpo sa iligal na droga kaya naunahan ng DEG.
Huwag na sana itong maulit dahil sayang ang magandang nasimulan ng NCRPO kung mapapabayaan.

***

Napakapositibo naman ng ilan nating atleta sa kabila ng mga eskandalong bumalot sa pagho-host natin sa 30th Southeast Asian Games.

Imbes na panghinaan ng loob ay sila pa itong nananawagan sa ating mga kababayan na palagpasin na ang mga pangyayari dahil normal daw ang mga ito.

Kaya sa mga patuloy na nag-iingay, awat na po.

Sabihin na nating may mga aberya sa pagkain, transportasyon at accommodation ng mga atleta, ito ay nararanasan din ng mga atletang Pinoy kapag sumasabak sa mga international competition.

Kaya hindi natin masisisi ang ilang kongresista na magpatutsada kay Senador Franklin Drilon at sisihin ito sa mga nangyaring aber­ya na ang sinasabing ugat daw ay ang pagka-delay ng budget ng SEA Games.

Sabagay hindi pa natin alam ang katotohanan sa likod ng kontrobersiyang ito.

Hintayin natin ang tamang panahon at alam kong hindi ito ngayon dahil mas kailangang nakatutok tayo sa tagumpay ng ating mga kababayang sasabak sa laban.