Abante Tonite Interactive

Mga tutol sa school opening sa Agosto, kailangan ang aksiyon ng Kongreso

0 278

Binigyang-katwiran ng Malacañang ang itinakdang pagsisimula ng pasukan sa Agosto 24, na tinututulan ng maraming mga magulang.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na mayroong batas na kinakailangang magbukas ang klase ng Hunyo o hanggang sa huling linggo ng Agosto.

Batid aniya ng Palasyo ang pag-aalala ng mga magulang sa peligro ng coronavirus disease 2019 sa mga estudyante pero kailangan ding sundin ang batas.

“May batas po tayo na kailangan magbukas ang mga eskuwelahan na ang pinaka-late na po diyan ay last week ng August,” ani Roque.

Pero kapag aniya mataas ang banta ng COVID-19 sa mga kabataan ay kailangang kumilos ang Kongreso para amiyendahan ang batas sa pasukan.

Tinututulan ng maraming magulang ang August 24 na pagsisimula ng klase at iginiit sa gobyerno na dapat maghintay muna ng bakuna laban sa COVID bago simulan ang eskuwela dahil sa pangambang malagay sa peligro ang kalusugan ng mga estudyante at kasama na rin ang pamilya ng mga ito.

Pinawi naman ni Congresswoman Niña Taduran ang pangamba ng mga magulang dahil hindi aniya kailangan ang face-to face classes, bagkus ay maaaring gumawa ng learning modules ang mga eskuwelahan para maging aralin ng mga bata kahit nasa bahay, bukod pa dito ang opsiyon na online teaching bilang alternatibong paraan ng pagtuturo sa mga estudyante.

Tonite – Wendys Inhouse Ad