Abante Tonite Interactive

Mga US senator nakakapikon na!

0 364

Nakakainit ng ulo ang ginagawang pakikialam ng ilang senador ng Amerika sa panloob na usapin ng Pilipinas na tila ba nasa ilalim ng kanilang kontrol ang ating bansa.

Negatibo ang reak­syon ng mga netizen at maging ang mga senador at kongresista, gayundin ang ilang political analyst at opisyal ng gobyerno sa lantarang pakikialam ng ilang US senator sa mga isyu sa Pilipinas.

Kung nakakamatay lang ang reaksiyon ng mga netizen sa social media ay malamang gutay-gutay na ang mga hibla ng katawan nina Senator Dick Durbin, Patrick Leahy at Edward Markey dahil sa ngitngit at galit ng mga Pilipino sa mga ito.

Napipikon na rin ang mga opisyal ng Malacañang dahil sa panggigigil ng tatlong US senator na ito sa kaso ni Senadora Leila de Lima at iginigiit na palayain na ito.

Tila nag-uulyanin na ang tatlong dayuhang mambabatas na ito dahil hindi naman nila hurisdiksiyon ang Pilipinas pero lantaran ang ginagawang pambabastos sa gobyerno at sa bansa.

Ang taas siguro ng tingin ng tatlong senador na ito sa kanilang sarili na tila ba superior sila at basta na lamang magdidikta sa kanilang kapritso.

Sa simpleng pang-unawa ng isang ordinaryong Pilipino ay hindi tama na makialam at manghimasok ang mga dayuhang opisyal sa mga isyu ng Pilipinas. Kung gawin kaya ito sa Amerika, matutuwa rin kaya ang mga Kano?

Simplehan pa ­natin mga magigiting na senador ng Amerika, kung bahay n’yo pinakialaman ng iba, matutuwa kaya kayo? Hindi ‘di ba?
Kahit sinong bansa ay hindi matutuwa na pinapakialaman ng ibang mga bansa lalo na kung wala naman silang sapat na nalalaman sa nangyayari sa ibang bansa.

Pero iba ang trip nitong mga Amerikanong senador na ito na tila ba sila ang may hawak sa Pilipinas! Tila ba nakahithit ang mga ito ng katol kaya ang tingin sa mga Pilipino ay tagasunod nila. Neknek niyo!

Bakit hindi ninyo pakialaman ang ­sariling problema ninyo sa Amerika? Kung ma­laki ang problema ng Pilipinas sa iligal na droga, mas matindi sa inyo dahil kahit saang estado, parang aso lang kung magpatayan sa droga.

Bakit hindi ninyo solusyunan ang mga walang habas na pamamaril ng mga kababayan ninyo na kalimitang ginagawa sa mga paaralan o kaya sa mga pampu­blikong lugar? Kung tutuusin, mas malaki ang problema sa bansa ninyo kaysa sa Pilipinas kaya sana, tutukan ang mga problema ninyo sa sariling bansa kaysa pakialaman ang Pilipinas!