Abante Tonite Interactive

Mga venue sa SEA Games, ipagmamalaki — Fernandez WORLD CLASS

343

Pinasilip ng Philippine Sports Commission sa mga miyembro ng media ang bagong venue na gagamitin sa 2019 Southeast Asian Games (SEAG) Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11.

Unang binisita ang mga gagamiting venue sa Subic kung saan itatayo din ang media center para sa biennial meet.

Nasa tatlong buwan na lang ang nalalabi bago ang SEA Games ay marami pang kailangang kumpunihin sa Subic kung saan gaganapin ang mga sport tulad ng Triathlon, Open Water Swim, Sepak Taraw, Muay Thai, Pencak Silat at Table Tennis.

Kabaligtaran ng ipresenta ang National Government Administrative Center o ang New Clark City.

Nasa 92 porsyento na ang completion rate ng kabuuang proyekto sa Capas, Tarlac, mabilis kung tutuusin lalo’t noong Enero 2018 lang ang groundbreaking para sa SEA Games venue, Marso naman pormal na sinimulan ang konstruksyon.

Nahahati sa apat ang gagamiting facility para sa SEA Games sa New Clark City – ang Aquatic Center, Athletic Stadium, Athletes Village at The Residence.

Nang makita ito ni PSC commissioner Ramon Fernandez, tingin nito’y ito na ang simula ng pag-usbong ng palakasan sa bansa sa tulong ng suporta ng administrasyon.

“‘Di na puwedeng sabihin na kulang ang suporta ng gobyerno, they have built a facility. Though kulang pa rin ng kaunti, there’s a lot more to be done,” saad ni Don Ramon.

“This is just the start, after the SEA Games, a lot more facilities will be built around the area, it’s a perfect spot for sports facility.”

Tingin pa ng PBA le-gend, posibleng ito na ang sagot para muling makapag-host ang Pilipinas ng Asian Games, na huling hinawakan ng bansa noon pang 1954.

“But the next Asian Games, after 2018, 2022, 2026, perhaps we should be ready maybe to host the Asian Games, the SEA Games would definitely be a good rehearsal, practice for us,” pahayag pa ng commissioner.

Nang matanong naman kung paano niya ilalarawan ang New Clark City.
“World class, maganda,” papuri ni Fernandez. (Ray Mark P­atriarca)