Abante Tonite Interactive

Mga volunteer na bombero pinuri ni Isko

261

Pinuri ni Manila Mayor Isko Moreno ang mga volunteer firefighter dahil sa kanilang dedikasyon sa tungkulin kahit na walang hinihintay na kapalit.

Sa pagsasalita ni Moreno sa TXTFire Grand Eyeball na ginanap sa Chiang Kai Shek College Auditorium sa Tondo, Maynila, binigyan niya ng komendasyon ang mga miyembro ng TXTFire Philippines.

Nabatid na ang grupo na pinamumunuan ng founder at presidente na si Gerie Chua ay may 3,000 volunteers firefighters at may 500,000 miyembro nationwide.

Kasama ni Moreno na dumalo sa event sina Vice Mayor Honey Lacuna at Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) chief Arnel Angeles.

“Minsan, ‘di n’yo na iniisip ang mga mahal n’yo sa buhay dala ng public service. Mahirap talaga ang public service,” ayon kay Moreno.

“Merry Christmas at Happy New Year at sana ay kaawaan kayo ng Diyos na maging ligtas kayo. Lalo na bagong taon, may mga maglalaro na naman ng apoy… next year, sana ay huwag kayong magsasawa na tulu­ngan ang lungsod ng Maynila lalo na sa oras ng pangangailangan namin,” dagdag pa ni Moreno.

Kasunod ng kanyang pagsasali­ta, binigyan naman si Moreno ng plaque of recognition at isang personalized fireman’s hat, kung saan inianunsiyo rin ni Gerik, anak ni Chua ang pagiging honorary chairman ng grupo si Moreno.

Kaagad namang isinuot ni Moreno ang personalized hat at game na nagpa-picture sa mga miyembro.

Tiniyak naman ni Chua na ang kanilang grupo sa abot ng kanilang makakaya kay Moreno lalo na sa isinasagawa nitong pagsasaayos sa Maynila.