Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Mga wagi at luhaan sa party-list halalan

0 146

Ilang araw na lang, ipoproklama na ang mga nanalong party-list organization sa nakaraang halalan noong Mayo 9. Nangunguna sa bilangan ang ACT-CIS na may higit 2 milyong boto at katumbas ng 5.76% ng party-list elections, pangalawa ang 1-Rider Party-list na may higit 991,000 boto at 2.74% at pangatlo ang TINGOG na may higit 873,000 boto at 2.42%.

Bukod sa kanila, pasok din sa top 6 ang 4PS, Ako Bicol at Sagip. Ang anim na nabanggit na party-list organization ang tanging nakakuha ng higit 2 porsyento ng party-list elections. Garantisado na ang tig-isang upuan sa anim na party-list organization.

Ang ACT-CIS, mabibigyan ng tatlong upuan. Ito rin ang posibleng makuha ng sorpresang sumegundang 1-Rider Party-list at ang pangatlong TINGOG, habang ang 4PS, Ako Bicol at Sagip ay maaaring tigalawang upuan sa Kamara. Depende pa ito sa magiging komputasyon ng Commission on Elections.

Tumpak ang Pulse Asia sa kanilang survey na ang ACT-CIS ang magiging topnotcher sa party-list elections. Pero malaki ang sablay ng survey firm sa second placer nang humarurot ang 1-Rider Party-list na parang kabayong si Rich Strike na nagwagi sa Kentucky Derby sa Amerika.

Sa Facebook page ng 1-Rider Party-list, nakasaad dito na sila ay “nakatuon sa adbokasiya ng Road Safety and Rider’s Continuous Development. Sa kasalukuyan, tayo po ay involved sa pagbibigay tulong sa Riding Community at sa ating mga Kababayan sa rehiyon.”

Ang dating top topnotcher na Bayan Muna, namimiligrong mawalan ng puwesto sa 19th Congress. Sila ay 64th sa nakuhang botong 215,981 na katumbas lamang ng 0.60%.

Sa 20 percent ng buong miyembro ng Kamara, halos 61 lang ang kukunin mula sa party-list kaya kahit gawing tig-isang upuan lang ang top 3(na malabong mangyari), hindi pa rin makakapasok ang Bayan Muna.

Luhaan din ang dating Pambansang Anino na si Jayke Joson ng Frontliners ang Bida. Kunsabagay, talunan din ang dati nitong among si Sen. Manny Pacquiao. Yun nga lang, marami pa ring datung si Pacquiao at posibleng nadagdagan pa pagkatapos ng halalan.

Olats din ang party-list ng kontrobersyal na si Mocha Uson at volleyball star Michelle Gumabao. Nangamote sila sa 126th puwesto sa botong higit 60,000. Talunan din ang WIFI Party-list na gumastos ng malaki sa mga TV ads.

Kapansin-pansin na may mga party-list ang palaging nananalo sa halalan. Marami kasi silang natutulungan kaya naman hindi nakakalimot ang mga tao sa kanila. May mga party-list naman na bigla na lang lilitaw na parang palitaw pero lulubog din pagkatapos ng halalan.

May iba tayong nakausap na party-list nominee. Umiiyak sila dahil kahit nagbuhos ng malaking pondo sa kaalyadong politiko, hindi naman nanalo ang party-list sa lugar ng kinontratang politiko. In short, binulsa ang pondo.

May party-list nominee na hindi naman kinaya ang vote buying. Huh! Pati sa party-list may vote buying na rin? Doon lang naman daw sa lugar nila dahil madugo rin ang labanan doon at halos lahat ng botante, kailangan ng datung. Tsk tsk tsk!

Leave A Reply

Your email address will not be published.