Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Mga youth group sa LGU: Patakaran, imprastraktura sa biker itayo

0 233

Nanawagan ang dalawang grupo ng kabataan sa mga local government unit (LGU) na magtayo ng mga imprastraktura ng active transport (AT) tulad ng mga bike lane at rack upang maengganyo ang mga estudyanteng gumamit ng bisikleta.

Ayon sa UP Bike Share at Super Scouts, mga student organization sa Metro Manila, hindi lang dapat sa panahon ng pandemiya isinusulong ang pagbibisikleta dahil malaki ang benepisyo nito sa kalusugan at sa kapaligiran, at makakatulong din ito sa paggaan ng trapiko sa bansa.

“Hindi lang dapat pansamantala ang pagsulong ng active transport dahil sa pandemiya; dapat itong maging pangkaraniwang uri ng transportasyon. Aminado kami na hindi sapat ang atensyong ibinibigay ng gobyerno at ng lipunan sa active transport,” sabi ni Kat Feranil ng Super Scouts.

Sumang-ayon sina UP Bike Share President Kimi Dela Paz at Chief Marketing Officer Carlos Batalla sa opinyong ito, at inuudyukan nila ang mga kabataan na sumali sa pagtataguyod ng paggamit ng active transport. “Kailangan tayong magkaisa sa ganitong mga isyu para sa mas mabisang transportation system. Gusto naming maghanap ng mga solusyon sa transportasyon na pakikinabangan ng lahat ng tao anuman ang estado nila sa buhay,” sabi ni Dela Paz.

Noong nakaraang buwan, isinulong ng Department of Transportation (DOTr) ang paggamit ng AT sa pamamagitan ng paglalagay ng mga bike rack sa mga istasyon ng LRT-1, LRT-2, MRT-3 at PNR.

Sinundan ito ng Joint Administrative Order (JAO) 2020-0001 o ang “Guidelines on the Proper Use and Promotion of Active Transport During and After the COVID-19 Pandemic” na nilagdaan ng DOTr, Department of Health (DOH), Department of the Interior and Local Government (DILG), at ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Isinusulong ng JAO ang ligtas na paggamit ng active transport hindi lamang sa panahon ng pandemyang COVID-19 kundi bilang isang pangmatagalang uri ng transportasyon.

Leave A Reply

Your email address will not be published.