Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Mga youth group sa LGU: Patakaran, imprastraktura sa pagbisikleta itayo

0 186

Nanawagan ang dalawang grupo ng kabataan sa mga local government units (LGU) na magtayo ng mga imprastraktura ng active transport (AT) tulad ng bike lanes at bike racks upang maengganyo ang mga estudyanteng gumamit ng bisikleta.

Ayon sa UP Bike Share at Super Scouts, mga student organization sa Metro Manila, hindi lang dapat sa panahon ng pandemiya isinusulong ang pagbibisikleta dahil malaki ang benepisyo nito sa kalusugan at sa kapaligiran, at makakatulong din ito sa paggaan ng trapiko sa bansa.

“Hindi lang dapat pansamantala ang pagsulong ng active transport dahil sa pandemiya; dapat itong maging pangkaraniwang uri ng transportasyon. Aminado kami na hindi sapat ang atensyong ibinibigay ng gobyerno at ng lipunan sa active transport,” sabi ni Kat Feranil ng Super Scouts.

Sumang-ayon sina UP Bike Share President Kimi Dela Paz at Chief Marketing Officer Carlos Batalla sa opinyong ito, at inuudyukan nila ang mga kabataan na sumali sa pagtataguyod ng paggamit ng active transport. “Kailangan tayong magkaisa sa ganitong mga isyu para sa mas mabisang transportation system. Gusto naming maghanap ng mga solusyon sa transportasyon na pakikinabangan ng lahat ng tao anuman ang estado nila sa buhay,” sabi ni Dela Paz.

Iginiit ng parehong grupo ang kahalagahan ng pagbibigay-alam sa mga siklista at motorista na ang active transport ay mas ligtas at mas maaasahang uri ng transportasyon para sa mga komyuter ngunit marami pa ring nag-aalala sa paggamit nito.

Idinagdag din ni Batalla na mas malaki ang tsansa ng pagpapatupad ng gobyerno ng mga patakaran ng active transport kung mas maraming tao ang gagamit nito. “Hikayatin natin ang ating mga kaibigan at kamag-anak na gumamit ng AT. Get them biking. Get them active,” dagdag ni Batalla.

Noong nakaraang buwan, isinulong ng Department of Transportation (DOTr) ang paggamit ng AT sa pamamagitan ng paglalagay ng mga bike rack sa mga istasyon ng LRT-1, LRT-2, MRT-3 at PNR. Sinundan ito ng Joint Administrative Order (JAO) 2020-0001 o ang “Guidelines on the Proper Use and Promotion of Active Transport During and After the COVID-19 Pandemic” na nilagdaan ng DOTr, Department of Health (DOH), Department of the Interior and Local Government (DILG), at ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Isinusulong ng JAO ang ligtas na paggamit ng active transport hindi lamang sa panahon ng pandemyang COVID-19 kundi isang pangmatagalang uri ng transportasyon.

Ayon sa DOTr, puspusan ang kanilang paglalagay ng bicycle lanes sa EDSA at sa buong Metro Manila para lubos na pakinabangan ang road space at masiguro ang kaligtasan ng mga siklista.

Leave A Reply

Your email address will not be published.