Abante Tonite
Mabilis sa Balita

MGCQ sa Metro Manila tinitimbang ng IATF

0 282

Wala pang desisyon ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) kung pagbibigyan ang panawagan ng business sector na ilagay na sa modified general community quarantine o MGCQ ang Metro Manila para ganap na makabuwelo ang mga negosyo.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na titingnan muna ng IATF ang two-week attack rate ng COVID-19 para siyang pagbabasehan kung dapat na bang alisin o hindi ang umiiral na general community quarantine o GCQ sa National Capital Region (NCR).

Kasama pa rin aniya sa pagbabasehan ng IATF ang critical care capacity sa ginagawang paglaban sa COVID-19 bago pagpasyahan kung magpapalit ng quarantine classification.

“Dati-rati nang tinitingnan ay case doubling rate at ngayon po titingnan din natin ang tinatawag na two-week attack rate,” ani Roque.

Sinabi ng kalihim na wala pang kasiguruhan kung hanggang kailan magtatagal ang COVID-19 pandemic hanggat walang bakuna kaya mahalaga aniyang ingatan ang kalusugan at sundin ang mga health protocol para makapagpatuloy ang publiko sa paghahanapbuhay.

“Kailangan ingatan natin ang ating kalusugan, ang ating mga buhay para tayo ay makapaghanapbuhay,” dagdag ni Roque.

Mahalaga aniya na mabalanse ang kalusugan at pagbubukas ng ekonomiya para makaiwas sa peligro ng COVID-19 at kagutuman. (Aileen Taliping)

Leave A Reply

Your email address will not be published.