Abante Tonite Interactive

‘Michael Yang’ kasuhan sa POGO trafficking — Bato

554

Dapat sampahan ng kaukulang kaso kung mapatunayang sangkot sa iligal na gawain sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) ang isang Michael Yang na binanggit ng lumantad na biktima ng human trafficking.

Ito ang hamon kahapon ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa matapos lumantad sa Senado ang 23-an­yos na Taiwanese na si Lai Yu Cian na umaming biktima siya ng human trafficking ng POGO.

Kasama ni Lai na dumulog sa tanggapan ni Senador Risa Hontiveros, nangunguna sa pagdinig ng Senado sa mga diumano’y pag-abuso ng POGO, ang anti-crime crusader na si Teresita Ang See.

“Kasuhan nila. Pamilyar ako (kay Michael Yang) taga Davao ‘yun, Chinese na negosyante,” sabi ni Dela Rosa na umaning kakila niya si Yang dahil may negos­yo ito sa Davao City.

Sa pagharap sa Senado kahapon, ibinunyag ni Lai na isang Michael Yang diumano ang itinuturong protector ng kanyang Chinese employer sa POGO sa Makati City.

Samantala, humihingi naman ng tulong si Ang See kay Dela Rosa para kilalanin kung si Yang nga na da­ting presidential economic adviser ng Pangulo ang tinutukoy na protektor ng trafficking sa mga manggagawa ng POGO.

“Siguro ko sabihin kay Sen. Bato, tingnan niya ito. How would we know, maaaring kapangalan o maaaring ginagamit lang ang pangalan niya (Michael Yang),” paha­yag ni Ang See sa panayam kahapon. (Dindo Matining)