Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Michael Yang, Pharmally sabwatan tatalupan

0 68

Kakalkakin sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kung nagkaroon ng conspiracy o sabwatan sa pagitan ng dating presidential economic adviser Michael Yang, Pharmally Pharmaceutical Corporation at Procurement Service-Department of Budget and Management (PS-DBM) para makuha ang P8.6 bilyong kontrata sa COVID-19 medical supply na nadiskubreng overpriced.

“Iyan pa ang hinahanap natin [sabwatan]. Sa ngayon, ang nakikita natin ay in-award ang kontrata. Una, P289 million. Walang pera ang Pharmally ng ganoong halaga,” ayon kay Senate Minority Leader Franklin Drilon.

Malaking katanungan kay Drilon kung paanong nakuha ng Pharmally ang bilyong halaga ng kontrata kung wala naman aniyang kakayahang pinansiyal ang kompanyang ito.

Una nang inihayag ng isang opisyal ng Pharmally sa Senado na nanghiram sila ng pera kay Yang.

“Paano sila nakapasok sa usapang ito kung wala silang pera at maliwanag naman na dapat may financial capacity ang supplier. Itong kompanya na ito anim na buwan pa lang nabubuo at P625,000 ang capital, paano nabigyan ng kontrata na initially ay mahigit P289M?” ani Drilon.

Samantala, sinabi ni Drilon na lumitaw umano na si Yang ang “funder” ng kompanya matapos aminin ni Pharmally president Huang Tzu Yen sa Senado na umutang sila kay Yang dahil wala silang sapat na pondo para ideliber ang mga medical supply sa pamahalaan.

“Wala akong nakikitang dummy. Ang nakikita ko siya ay funder,” pahayag ni Drilon sa panayam sa radyo.

Subalit sa ngayon umano ay walang nakikita si Drilon na pananagutan ni Yang maliban na lang kung kasama ito sa `conspiracy’ para mag-qualify ang Pharmally kahit walang financial capacity.

“Ang tanong ninyo ano ang pananagutan? Wala siyang pananagutan sa pagpapahiram unless kasama siya sa isang conspiracy in order to qualify Pharmally to bid kahit wala siyang financial capacity,” sabi pa ni Drilon. (Dindo Matining)

Leave A Reply

Your email address will not be published.