Abante Tonite Interactive

Midas Marquez: Reklamong graft, lumang isyu na

By
2,423

Nagsumite na ng tugon sa Judicial and Bar Council (JBC) si Court Administrator Jose Midas Marquez sa opposition sa kanyang aplikasyon bilang mahistrado ng Korte Suprema ng isang Rizza Joy Laurea.

Sa kanyang tatlong pahinang tugon, ipinunto ni Marquez na wala siyang naging papel sa mga proyekto na pinondohan ng pautang mula sa World Bank.

Binigyang-diin ni Marquez na ang panga­ngasiwa sa mga proyekto at pondo ng development partners kagaya ng World Bank ay nasa ilalim ng Project Management Office (PMO) na ang da­ting hepe ay ang kasalukuyan nang Sandiganbayan Justice Geraldine Faith Econg.

Ang opposition ni Laurea ay ibinatay umano sa Aide Memoir ng World Bank noon pang Disyembre 2011.

Pero giit ni Marquez, hanggang ngayon ay hindi pa siya nakakakuha ng kopya ng Aide Me­moir at hindi rin siya kailanman hiningan o inatasan ng alinmang tanggapan para magkomento sa isyu. Hindi rin umano siya kailanman na­ging sentro o laman ng alinmang imbestigasyon kaugnay sa World Bank loan.

Para kay Marquez, luma na ang isyung ipinukol ni Laurea dahil dati na itong naungkat noon pang panahon ng impeachment ni Dating Chief Justice Renato Corona na hindi rin naman nasuportahan ng sapat na batayan at maitutu­ring lamang na hearsay.

Kung ipinupunto naman aniya ng opposition ang sabay-sabay niyang pagganap sa ilang tungkulin sa Korte Suprema noon, bigo naman ito na ilatag kung ano-ano ang mga tinukoy na kuwestiyonableng kontrata at serbisyo.

Wala rin umanong iregularidad sa pag-atang sa kanya ng maraming responsibilidad noong panahon ni dating chief justice Reynato Puno dahil patunay lamang ito ng pagkilala sa kanyang husay at kapasidad.