Abante Tonite Interactive

Milagro sa PSC

By
1,924

Alam kaya ng namumuno sa Philippine Sports Commission (PSC) ang mga milagrong nagaganap sa kanilang mga pasilidad paglampas ng kanilang office hours.

Ipinaglalaban ng kasalukuyang pamunuan ng PSC ang pagsawat sa korupsiyon at anomalya sa komunidad ng sports subalit hindi nila napapansin na nagaganap mismo sa loob ng ahensiya ang mga milagro pagkalabas nila sa kanilang mga napakalamig na opisina.

May kaukulang bayad ang paggamit ng mga pasilidad sa loob ng Rizal Memorial Stadium maliban na lamang kung aprubado nito ang hiling ng kapwa nito ahensiya ng gobyerno na makagamit sa pasilidad na madalas ay lampas sa oras ng pagtatrabaho.

Lingid sa kaalaman ng mga namumuno ay madalas na ipinapagamit ang ilang pasilidad sa loob ng stadium partikular na sa gabi na hindi dumadaan sa kaalaman ng Operations Department at hindi din nagbabayad ng dapat na rental fee sa Booking Division.

Libreng nakakagamit at napapakinabangan ang kuryente, tubig at ang mismong pasilidad na dapat sana na mapunta ang kabayaran sa ahensiya ang kaukulang renta habang may mga nakikinabang sa mga namamahala sa pasilidad.

Una nang inimbestigahan ng dating PSC Executive Director ang paniningil sa parking fee ng pribadong sasakyan na ginagawang garahe sa gabi ang makasaysayang sports complex.

Ang tanong, sino ang nakikinabang sa pagpaparenta ng mga pasilidad na hindi alam ng pamunuan ng PSC? Pintahan, meron itong letrang ‘Z’ sa kabuuan ng kanyang pangalan. ‘Z’ ay in ‘zobra’ namang rumaket at gumawa ng milagro si manong sa gabi.