Abante Tonite Interactive

Militar at mga kapatid

167

Napanaginipan kong nakatira raw kami sa isang ­simpleng bahay na nasa tabi ng daan. Ang daan ay ­hindi pa sementado.

Kasama ko raw sa bahay ang mga ­ka­patid ko at maliliit pa sila pero sa aktuwal ay matatanda na kami.

May dumaan na military truck. Nagtanong daw sa akin ng direksyon ang driver. Napatingin ako sa ­bandang likuran ng trak na may nag-iisang nakaupong sundalo. Nakatingin daw ako sa trak habang palayo. Doon na ako nagising.

Ang anumang may kinalaman sa military ay kadalasang indikasyon na meron kang pinagdaraanang ­inner conflict, may pagtatalo sa iyong kalooban. Habang ang mga kapatid ay sumisimbolo naman sa iyong relasyon sa pamilya mo.

Kung ibabase sa nakita mong sundalo at military truck, maaaring may pinagdaraanan kang sitwasyon kung saan wala kang makitang solusyon. Wala na sa iyong kontrol ang mga pangyayari at dahil dito’y ­nakakaramdam ka ng pagkabalisa.
Posible rin namang maikonek ang military sa disiplina na kailangan mong ma-achieve para lusutan ang anumang pinagdaraanan mo at upang maabot ang mga goals mo sa buhay.

Related Posts

Kung wala ka namang anumang pinagdaraanan, puwedeng ikonek ang iyong panaginip sa disiplinang naipatutupad mo sa sarili mo. Ang isang sundalo bago naging ganap na sundalo ay dumaan sa rigid training. Kaya ang nakita mong sundalo ay representasyon ng iyong sarili. Halimbawang sa aktuwal na buhay ay alam mong naibibigay mong lahat ang iyong best ­effort pagdating sa trabaho.

Ang sundalo sa iyong panaginip ay ikaw. Kung sa pamilya ay nagiging mapagkalinga ka, mapagbantay sa mga nangyayari sa iyong mga kapatid at magulang, maihahalintulad mo ang isang sundalo na nagmamahal sa kanyang bayan, nagiging mapagbantay sa lahat ng oras at naaasahan sa anumang oras lalo na sa mga panahon ng kagipitan.

Ang iyong mga kapatid ay simbolo ng iyong pa­milya. Kung ano ang nakita mo o naramdaman mo sa mga kapatid mo sa bahaging ito ng iyong panaginip ay ganu’n din ang pagtingin mo sa kanila sa tunay na ­buhay.

Sa iyong panaginip ay mga bata pa ang mga kapatid mo kaya naman ito ay puwedeng bigyan ng interpretasyon na sa iyong isip kahit na nga matatanda na kayo pare-pareho ay naroon pa rin ang pagmamalasakit mo sa iyong mga kapatid.
Sa kabuuan, wala namang negatibong indikasyon ang iyong panaginip.

***

DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER ay nagbibigay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng ating pana­ginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang ispiritwal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang panaginip, mag-email sa abantedreamcatcher@gmail.com.