Abante Tonite Interactive

Minaltratong OFW sa Saudi makikipagkita kay Duterte

By
0 513

Makikipagkita kay Pangulong Rodrigo Duterte sa Davao City ang overseas Filipino worker (OFW) na minaltrato ng kanyang amo sa Riyadh, Saudi Arabia.

Itinakda ang pakikipagkita ng biktimang si Pahima Alagasi kay Pangulong Duterte dakong alas-6:15 nitong Sabado ng gabi kung saan off-limit ang media.

Si Alagasi ng Pikit, North Cotabato, ay sasamahan ng mga opisyal ng Overseas Welfare Workers Administration (OWWA) sa pakikipagkita sa Pangulo sa Matina Enclaves, Davao City.

Dumating sa bansa si Alagasi nitong Biyernes mula sa pananatili sa embahada ng Pilipinas sa Riyadh.

Nakaranas ng kalupitan si Alagasi sa kanyang dating employer kung saan binuhusan ito ng kumukulong tubig at nakaligtas lamang sa posibleng kapahamakan matapos tumakas sa bahay ng dating amo noong 2014.

Sinampahan niya ng kaso ang dating amo subalit dinismis lang ito. Mula noon, nanuluyan siya sa shelter na pinapatakbo ng Philippine Embassy.

Matatandaang galit si Pangulong Duterte kapag nakakatanggap ng report ng mga minaltratong OFW sa Middle East.

Nagbanta pa ang Presidente na posibleng madagdagan ang mga bansa sa Gitnang Silangan na magkaroon ng deployment ban maliban sa Kuwait kapag patuloy na nakakaranas ng pagmamaltrato ang mga OFW.