Abante Tonite Interactive

Mini-bus ng amo binenta ng driver, buyer kasamang pinosasan

By
0 154

Nawalan na ng trabaho, nakakulong pa ang isang driver nang karnapin nito at ibenta ang sasakyan ng kanyang amo kung saan pinosasan din ang bumili nito sa Valenzuela City kahapon.

Sa report kay P/Chief Insp. Amor Cerillo, head ng Station Investigation and Detective Management (SIDMB), kinilala ang dinakip na sina Rudy Lamberte, 36, nakatira sa Pabaya St., Brgy. Mapulang Lupa at
Manases Palisoc, 43, ng Brgy. Ugong ng nasabing lungsod.

Ayon kay Maj. Cerillo, alas-siyete nang umaga, nadiskubre ni Chasper Chang na nawawala ang puting Toyota Hi-Ace mini bus (HLC-888) ng ama nitong si Henry.

Tinanong ni Chasper ang sekretarya nilang si Ma. Jaryl Crestyl Mercader, 26, kung sino ang gumamit at napag-alaman na hindi ito iniuwi ni Lamberte.

Dahil dito, nag-report sa Mapulang Lupa PCP si Mercader at pinuntahan sa bahay ang kanilang driver pero wala doon ang sasakyan.

Sa interogasyon ng pulisya, inamin ni Lamberte na ibinenta niya kay Pali­soc ang sasakyan dahil gipit daw ito.
Nagtungo sila sa bahay ng bumili at nang makita ang sasakyan ay kasama itong dinala sa police station.