Abante Tonite Interactive

Minura, hinamon si digong 6 sa Viral Marijuana video, isinuko

By
1,958

Isinuko sa pulisya ng kanilang mga kaanak ang anim na binata na nag-viral sa social media ang video kung saan ipinakita ng mga ito ang pagsinghot nila ng marijuana at malutong na pinagmumura at hinahamon pa ang Pangulong Rodrigo Duterte.

Umabot na sa 1,621,268 views ang video at nasa 6,800 na ang mga nag-like.

Pero, kahapon ng hapon, dahil na rin sa patuloy na follow-up operation ng Northern Police District at ng Malabon City Police, isinuko ng kanilang mga kaanak kay Sr. Supt. John Chua, hepe ng pulisya sa nasabing lungsod, ang mga suspek na sina Cornelio Aguilar, 22-anyos; Cedric Alcaren; Juaniel D. Esles; Penpen Santos, 22; Kurt Edison Ano, 22; at Emmanuel Guerrero 23, mga naninirahan sa Brgy. Tugatog, Malabon.

Aminado umano ang mga kaanak ng anim na binata na mali ang ginawa ng mga ito lalo pa’t galit si Pangulong Duterte sa mga taong gumagamit at nagbebenta ng iligal na droga.

Sa mga sinabi ng mga suspek sa video, dapat umanong gawing ligal ng Pangulo ang marijuana dahil doon sila sumasaya.

Wala naman umano silang ginagawang masama kaya walang rason para ipagbawal ito.

Kita rin sa video kung paano hithitin ng grupo ang marijuana at ipinapakita pa ng mga ito ang marijuana na nakalalagay sa plastic ng bigas.

Maging ang malutong na pagmumura ay klaro rin na maririnig sa grupo.

Tikom naman ang bibig ng mga suspek kaugnay sa kanilang viral video.

Inihahanda na ng pulisya ang kaukulang kaso na isasampa laban sa kanila.