Abante Tonite Interactive

Misamis cong sa IATF: Magkasama sa bahay payagan mag-backride

0 1,369

Nanawagan ang isang mambabatas sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na payagang mag-backride sa motorsiklo ang dalawang tao na magkasama sa bahay.

“Hinihikayat ko ang IATF-EID na pag-aralang maigi ang panukalang ito na payagan ang dalawang tao na nakatira sa iisang bahay na mag-backride,” sabi ni Misamis Occidental 1st District Cong. Diego ‘Nonoy’ Ty.

Ipinagbabawal ng IATF ang pag-aangkas sa motorsiklo para mapigil ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), subalit sinabi ni Ty na walang dapat ipag-alala dahil magkasama naman sa isang bahay ang mga sasakay.

“Hindi naman sila nagsasagawa ng social distancing sa loob ng kanilang mga bahay, kaya bakit natin sila pipigilang sumakay sa motorsiklo na magkasama,” giit ng mambabatas.

Binigyang diin pa ni Ty na maaaring ituring na anti-poor ang patakaran na nagbabawal sa pag-aangkas sa motorsiklo ang mga magkasama sa bahay habang puwede namang sumakay sa kotse ang hanggang apat na katao.

Ipinanukala ng kongresista na maglatag ng mekanismo ang mga local government unit (LGU), partikular ang mga barangay, para masiguro na magkasama nga sa isang bahay ang sakay ng motorsiklo.

Aniya, mahalaga rin na mapaluwag na ang patakaran sa pag-aangkas sa motorsiklo, lalo ngayong marami nang tao ang nagbabalikan sa kanilang mga trabaho.

“Kasabay ng pagbukas natin sa ekonomiya, malaki ang maitutulong nito sa mahihirap nating mga kababayan na sumasakay sa motorsiklo sa pagpasok sa trabaho at pagbili ng mga pangangailangan,” wika ni Ty.

Tonite – Wendys Inhouse Ad