Abante Tonite Interactive

Misis, 3 anak minasaker ng cafgu

447

Pinagbabaril at pinagtataga ng isang miyembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit (Cafgu) ang isang ginang at tatlo nitong anak matapos itong gumanti dahil sa pagsampa sa kanya ng kasong rape ng isa sa miyembro ng pamilya ng mga biktima sa Marilog District sa Davao City.

Gayunma’y napatay din ng mga pulis sa isinagawang manhunt operation ang suspek na si Randy Balagisi, 23-anyos, miyembro ng Cafgu na nasa ilalim ng 16th Infantry Battalion sa Brgy. Gumitan Patrol Base.

Kinilala ang nasawing biktima na sina Liza Ominloy Ponce, 49; Christine Ominloy Ponce, 29; Ana, 14; at Rey, 5, pawang residente ng Sitio Guilon, Brgy. Marilog ng nabatid na lungsod.

Ayon kay Davao City Police Office (DCPO) Director Police Colonel Alexander Tagum, sumugod ang suspek sa bahay ng pamilya Ponce sa Sitio Guilon sa Brgy. Marilog nitong Martes nang gabi at pinagbabaril ang mga biktima gamit ang 5.56 na kalibre ng baril. Nang hindi pa makuntento ay pinagtataga pa niya ang mga ito dahilan ng agaran nilang kamatayan.

Matapos ang krimen ay agad itong tumakas subalit dakong ala-1:30 nang hapon kamakalawa ay nasukol ito ng pulisya sa Sitio Lapinig sa Brgy. Marilog.
Imbes namang sumuko ay nanlaban pa ang suspek at nakipagbarilan.

Tumagal ng 20 minuto ang palitan ng putok hanggang sa mapatay ang suspek ng awtoridad.

Napag-alaman pa kay Tagum na paghihiganti ang motibo ng suspek kaya niya pinatay ang mga biktima dahil kinasuhan siya ng rape ni Mayle Ominloy Ponce, isa pang anak ng pinatay na ginang nitong nakaraang Setyembre.

Tumakas umano ang suspek sa kanilang detachment bitbit ang kanyang service firearm 5.56 na armalite rifle at tinungo sa bahay ang pamilya ng biktima. (Edwin Balasa)