Abante Tonite Interactive

Misis, anak, manugang binaril bago nag-suicide

By
571

Sa matinding selos dahil may relasyon umano ang kanyang 73-an­yos na misis sa dalawang pari, isang 87-anyos na senior citizen ang nagpakamatay matapos magbaril sa sarili ilang saglit matapos pagbabarilin ang kanyang misis, anak at manugang sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Gatbuca, Calumpit, Bulacan kamakalawa.

Base sa report ni P/Supt. Gerardo Andaya, Calumpit police chief, nakilala ang suspek na si Ludivino de Guzman y Calayag ng Barangay Gatbuca ng nasabing bayan na hindi na umabot nang buhay sa pagamutan bu­nga ng tinamong tama ng bala sanhi ng isinubong kalibre .38 revolver.

Kasalukuyang nakaratay ngayon sa Sacred Heart Hospital-Malolos City ang misis ng nagpatiwakal na suspek na si Adelaida de Guzman y Capinpin, 73, sanhi ng tama ng bala sa kanyang mga binti habang sugatan din ang kanyang anak na si Jeanette Gomez y de Guzman, 50-anyos at manugang na si Myrna Lubao na hindi binanggit kung saan parte ng katawan tinamaan ng bala.

Abante Hiring – IT dep

Sa inisyal na imbestigasyon, dakong alas-dos ng madaling-araw noong Lunes nang maganap ang insidente makaraang magselos ang suspek na si Ludivino dahil sa nabalitaan nitong tsismis na mayroon umanong karelasyong dalawang pari ang kanyang misis bagama’t kapwa na sila senior citizen.

Sinasabing kumuha ng baril ang suspek saka pinagbabaril ang kanyang misis, anak at manugang bago ito pumasok sa hiwalay na kuwarto at doon ito nagpakamatay sa pamamagitan ng pagbabaril sa kanyang bibig.

Pagkarinig sa putok ng baril ay agad na ini-report sa pulisya ang insidente kaya mabilis na nagresponde ang Calumpit rescue ngunit hindi na umabot nang buhay ang suspek sa pagamutan habang nasa maayos na ang kalagayan ng kanyang misis, anak at manugang.

Nakarekober ang awtoridad ng isang kalibre .38 revolver na kargado pa ng limang bala bukod pa sa ilang basyo ng bala sa lugar. ()