Abante Tonite Interactive

Misis bugbog-sarado sa ka-live in

By
20

“Kinaladkad, sinapak na at kinagat pa”. Ito ang isinumbong ng isang 16-anyos na babae matapos saktan ng kanyang kinakasama nang awatin nito sa maghapong paglalasing kamakalawa sa Marikina City.

Kulungan ang bagsak ni Regie Bayod y Bendijo, nasa hustong gulang at residente ng Apitong St., Barangay Marikina Heights, Marikina City na nahaharap sa kasong paglabag sa R.A. 9262 o Violence Against Women and Children.

Batay sa report, naganap ang pananakit bandang 7:30 kamakalawa ng gabi nang awatin ng biktima na si Christine Sotero y Badiola, 16-anyos ang kinakasama na umaga pa lang ay nakikipag-inuman na sa mga kaibigan sa labas ng kanilang bahay.

Ayon sa biktima, ilan beses na niyang pinauuwi ang suspek pero hindi pa rin natitinag hanggang sa sinigawan na niya ito at aminado naman siya na tila napahiya ang kinakasama.

Nagulat na lamang si Christine nang bigla siyang kinaladkad ng suspek palayo at doon sinuntok sa sikmura at kinagat pa sa kanang bahagi ng kanyang braso.

Inawat sila ng mga nagrespondeng barangay tanod subalit desidido ang biktima na si Sotero na magsampa ng kaso upang matauhan umano ang suspek sa madalas na pananakit sa kanya.