Abante Tonite Interactive

Misis ginahasa ng bisita

By
3,066

Dinampot ng mga awtoridad ang isang 40-anyos na lalaki makaraang ireklamo ng isang 41-anyos na ginang na kanyang ginahasa matapos bumisita at makipag-inuman sa bahay ng biktima sa Brgy. Malamig, Bustos, Bulacan kamakalawa.

Base sa ulat ng Bustos Police Station na pinamumunuan ni Chief Inspector Victor Bernabe, kinilala ang suspek na si Rodel Mayor y Juliano na nakakulong na ngayon at nahaharap sa kasong rape.

Nangyari umano ang panggagahasa noong Lunes, bandang alas-10:00 nang gabi kung saan ay pumasyal ang suspek sa mister ng biktima at nagkaroon sila ng inuman sa bakuran ng kanilang bahay.

Makalipas ang dalawang oras ay naramdaman umano ng biktima na lasing na siya kaya nagpasya itong matulog sa kanilang kubo na ‘di kalayuan sa lugar ng pinag-inuman nila.

Lingid sa kaalaman ng ginang, sinundan pala ito ng suspek nang mapansin na lasing na rin ang kainumang mister ng biktima. Ginapang ng suspek ang biktima hanggang sa tuluyan na itong ginahasa.

Nagsumbong ang biktima sa kanilang barangay kaya nasakote ng tanod ang suspek saka ito isinuko sa himpilan ng pulisya.