Abante Tonite Interactive

Misis, kalaguyo utak sa pagpatay sa kadarating lang na ofw

By
0 173
PART 2

Hindi na bago kay Ernesto ang mangi­bang-bayan upang magtrabaho bilang welder dahil noon pa man ay nakipagsapalaran na siya sa Saudi Arabia upang may pantustos sa kanyang isang anak na babae sa dati niyang naging ka-live in at makatulong na rin sa kanyang mga nakababatang kapatid.

 

Bagama’t sanay na si Ernesto na mawalay sa kanyang anak na babae at mga kapatid dahil sa kanyang trabaho sa Saudi Arabia, hindi rin niya matiis na hindi umuwi sa sariling bansa lalo na’t may mga kapatid siyang nagmamahal at nagmamalasakit sa kanyang pinaghirapan.

 

 

Noong taong 2010, nagpasyang bumalik ng bansa si Ernesto upang mabisita ang kanyang 13-anyos na anak na babae, mga kapatid at kaibigan na pawang nasabik sa kanyang pagbabalik.

 

 

Dahil nananatiling binata sa edad na 39, malaking oras ang ginugol ni Ernesto sa kanyang mga kaibigan sa pamamagitan ng pagliliwaliw hanggang isama siya ng kanyang mga kaibigan sa isang beerhouse sa Trece Martirez, Cavite at dito niya nakilala ang 23-anyos na si Jennifer Villanueva.

 

Sa unang sulyap pa lamang ni Ernesto kay Jennifer ay may kakaibang damdaming lumukob sa kanyang pagkatao kaya’t mula noon ay naging masidhi na ang kanyang pagnanais na maging malapit silang magkaibigan ng dalaga.

 

Halos gabi-gabing niyayakag ni Ernesto ang malalapit na kaibigan sa pagpunta sa beerhouse na pinagtatrabahuhan ni Jennifer para lamang makainuman ang dalaga at para na rin maging malapit sila sa isa’t isa.

 

Hindi naman nalingid sa mga kapatid ni Ernesto ang pagkahumaling niya sa pagpunta sa beerhouse kaya’t pinaalalahanan nila ang kanilang kuya na kilatisin munang mabuti ang babaeng kinalolokohan upang hindi siya magkamali sa pagpili ng bagong pag-ibig.

 

Bagama’t pagmamalasakit ang ginagawang paalala ng mga nakababatang kapatid kay Ernesto, hindi niya nagustuhan ang inaakala niyang hindi pagsang-ayon ng mga kapatid na muli niyang buksan ang kanyang puso sa tawag ng pag-ibig.

 

 

Hindi naman naging hadlang ang pagkakaroon na ni Ernesto ng isang anak sa una niyang kinakasama upang makumbinsi si Jennifer sa wagas na pag-ibig na iniaalok niya sa dalaga lalo pa nga’t nakikita niyang seryoso ang lalaki sa kanyang hangarin.

 

 

 Dahil dito, tinanggap na rin ni Jennifer ang pag-ibig ni Ernesto lalo na’t pinangakuan siya na pakikisamahan sa isang bubong ng lalaki, hindi siya pababayaan at sisikaping maging maayos ang kanilang pagsasama.

 

 Mistula namang lumulutang sa alapaap ng kaligayahan si Ernesto nang tanggapin ni Jennifer ang kanyang iniuukol na pagmamahal at dahil batid niyang tutol ang kanyang anak at mga kapatid sa panibago niyang pag-ibig, nagpasya siyang dumistansiya sa mga ito at maging sa anak na babae ay tumanggi siyang ipakilala ang dalaga.