Abante Tonite Interactive

Misis kinatay, kinain ang utak

By
8,585

Karumal-dumal ang ginawa ng isang mister sa kanyang asawa na pinutol ang magkabilang paa at kamay, biniyak ang tiyan, binalatan ang mukha, tinanggal ang magkabilang suso bago pinugutan at binuksan ang utak saka kinain nitong Linggo ng hapon sa loob ng kanilang ­bahay sa Brgy. Holy Spirit, ­Quezon City.

Kinilala ni Supt. ­Rodelio Marcelo, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District, ang biktima na si Heide Espinosa Estrera, 46-anyos, head maintenance ng Sister of Mouth Carmel Catholic School.

Naaresto naman ang suspek na si Orlando Lucernas Estrera, 43-anyos, tubong-Davao Oriental, na maintenance din ang trabaho sa naturang eskuwelahan. Nasa kustodiya na siya ng CIDU sa Camp Karingal habang inihahanda ang kasong parricide laban sa kanya.

Sa imbestigasyon ni PO1 Christian Loyolag, dakong alas-singko ng hapon nitong Linggo nang makita ng mga batang naglalaro ang chop-chop na katawan ng biktima na nakasaksak pa ang pinutol na paa nito sa kanyang kaselanan, sa harap ng kanilang bahay sa Block 4, Lot 7, Saint Michael Extension, Republic Ave­nue, Brgy. Holy Spirit.

Nagtakbuhan ang mga bata at ipinagbigay-alam nila ito sa kanilang barangay.

Sa himpilan ng pulisya, inihayag ng suspek na hindi niya pinagsisisihan ang ginawa sa kanyang misis at sinabing nararapat lamang ito dahil hindi siya nabigyan ng anak.

Aniya, nagpahilot sa kanya ang asawa at habang nakadapa ito ay ina­pakan niya at minartilyo sa ulo.

Nang masigurong patay na ay saka niya sini­mulang hiwain ang tiyan nito matapos na apakan ang matres para tingnan kung may fetus doon.

Nakita rin umano niya na parang kambing ang kanyang misis kaya binalatan ang mukha nito para makita kung sino ang nasa likod ng ‘maskara’. Pagkatapos ay binuksan niya ang ulo, kinuha ang utak at kinain saka itinapon ang chop-chop na katawan sa labas ng kanilang bahay.

Sinabi pa ng suspek na nakaramdam siya ng kalayaan matapos ang ginawa sa kanyang asawa. Dagdag pa nito na nabuburyong na siya sa buhay dahil sa kaliwa’t kanang problema. Wala rin umanong pupunta­han ang kanyang paghihirap sa trabaho.

Nagulat naman ang kanilang mga kapitbahay dahil kilala umano nilang relihiyoso ang mag-asawa. Nabatid na 2002 pa kasal ang mag-asawa pero wala pang anak. Napag-alaman din na may myoma o sakit sa matris ang biktima.

Dahil sa mga ipinahayag ng suspek ay sinabi ni Quezon City Police District (QCPD) director Chief Supt. Guillermo Eleazar na isasailalim nila sa psychiatric test ang suspek.