Abante Tonite Interactive

Misis kulong sa natipuhang Disney car

340

Nakursunadahan lang umano kaya kinuha ng isang 34-anyos na ginang ang tatlong Disney car sa loob ng isang department store kamakalawa nang hapon sa Marikina City.

Sa nakalap na report sa tanggapan ng Eastern Police District (EPD), nakakulong na ang suspek na si Juliet Reyes y Natividad, 34, taga-Marikina City at nakakulong ngayon sa Marikina detention cell sa kasong theft/shoplifting.

Naganap ang insidente bandang alas-3:05 Martes nang hapon sa 3rd floor ng department store sa Marikina, Brgy. Calumpang nang sitahin ng security guard na si Gemar Comador y Medina ang dalang bag ng suspek.

Hinanapan niya ng resibo ang suspek sa dalang isang piraso ng Disney car – Jackson Storm, Disney car – Junior Moon at Disney car – Sterling na nagkakahalagang P1,349.25 na nakasilid sa loob ng paper bag subalit walang maipakitang resibo ang suspek kaya agad na dinala sa admin office para magpaliwanag.

Ayon pa kay Comador, kahina-hinala ang kinikilos ng suspek kaya agad niya itong binantayan hanggang sa nakita niyang papalabas na ng department store at doon na niya ito sinita.

Paliwanag naman ni Reyes, nagustuhan lang niya ang mga makukulay na Disney car kaya naisipang kunin dahil wala siyang pambayad. (Vick Aquino)