Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Misis ng kosa ni Jaybee lumutang: natsuging VIP convict walang covid

0 2,199

Ni Issa Divina

Naniniwala ang asawa ng isa sa mga kasamahang preso ng tinuturing na VIP convict sa New Bilibid Prisons (NBP) na si Jaybee Sebastian na nasa mabuting kondisyon ang kalusugan nito at wala aniyang sintomas ng COVID-19 kung kaya’t ipinagtataka niya ang biglaang pagpanaw nito na sinasabing sanhi ng kumplikasyon sa naturang karamdaman.

Inilahad ito ng misis ng carnapping convict na si Raymond Dominguez sa eksklusibong panayam ng programang Abante Unang Putok sa Radyo Tablidista. Hindi na babanggitin ang pangalan ng ginang para na rin sa seguridad nito at ng kanyang pamilya.

Nabatid na naging close umano sina Sebastian at Dominguez nang makulong sa NBP.

Sa tanong kay Mrs. Dominguez tungkol sa pagkamatay ni Sebastian, sinabi nito na wala siyang nalalaman na mayroong karamdaman ito. Wala rin umanong nakuwento ang kanyang asawa na mayroong sakit na nararamdaman o iba pang karamdaman si Sebastian.

“Parang wala po, never. Never ko siyang uhh actually before, before nung nakausap ko siya sa hearing niya before. Few days before siya dalhin sa quarantine facility, tinatanong ko siya ng lahat, ano bang nararamdaman niya, may symptoms ba ganyan. They’re all okay. As in very good health, wala kahit cough, fever. No, so kung nagpositive man sila sa COVID test, sa swab test, I can say na asymptomatic sila,” ayon kay Mrs. Dominguez.

Pero nilinaw nito sa muling pagtatanong na wala aniyang sintomas ng COVID si Sebastian.

Sa ngayon aniya nakakaramdam sila ng takot dahil sa pangyayari kay Sebastian.

“Sobrang nara-rattle kami and sobrang worried kami na baka mangyari din `yan sa asawa ko kung ano man `yong nangyari kay kuya Jaybee,” ayon sa misis ni Dominguez.

Binanggit din nito na guwardiyado sila ngayon mula nang magsalita sa media.

“As of now, we are guarded po especially now na nag-speak up kami sa media. So alam naman natin na nakakatakot din talaga pero kailangan namin lakasan `yong loob namin so now we are guarded, yes,” aniya pa.

Kinuwestyon naman ni Senate President Vicente `Tito’ Sotto III kung bakit hindi agad ibinunyag ng mga awtoridad ang mga nangyayari sa NBP kung kaya’t marami aniya silang nais malaman hinggil dito sa ipatatawag na imbestigasyon ng Senado.

Iginiit naman ni National Privacy Commission (NPC) Commissioner Raymond Liboro na hindi dapat nagtatago sa likod ng Data Privacy Law ang tanggapan ni Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag para tanggihan ang karapatan ng mamamayan na malaman ang nangyayari sa pamahalaan.

Aniya, may karapatang humingi ng impormasyon ang publiko tungkol sa mga kriminal na tulad ni Jaybee Sebastian na binalitang na-cremate na dahil namatay sa COVID-19 dahil sangkot ito sa mga isyu na may kinalaman sa national interest. (With Dindo Matining/Eileen Mencias)

Leave A Reply

Your email address will not be published.