Abante Tonite Interactive

Misis pinalakol sa tinagong pera, alak

0 380

Nauwi sa karumal-dumal na krimen ang nangyaring pagtatalo ng mag-asawa sa Cadiz City, Negros Occidental, nang palakulin ng mister ang kanyang misis dahil umano sa pagtatago nito ng pera at mga bote ng alak.

Kinilala ni Chief Inspector Robert Mansueto ang biktimang si Violeta Hernalin, 64-anyos at ang suspek na asawa nito na si Jose, 69, na may karamdaman umano sa pag-iisip.

Gumamit umano si Jose ng palakol at tinaga ang kanyang asawa sa bunganga na umabot pa sa kanyang leeg na naging sanhi ng kamatayan ng ginang.

Ayon sa pulisya, bago mangyari ang krimen ay nagkaroon umano ng mainit na pagtatalo ang mag-asawa makaraang matuklasan ni Jose na itinago ng kanyang misis ang pera nito na nagkakahalaga ng P150 at tatlong bote ng alak.
Wala umanong ibang kasama ang dalawa sa kanilang tahanan nang mangyari ang insidente.

Nakatakas pa ang suspek ngunit nadakip din ng mga awtoridad matapos ang pursuit operation. Nakuha sa pinangyarihan ng krimen ang ginamit na palakol.

Nakakulong na ang suspek na nahaharap sa kasong may kaugnayan sa parricide.