Abante Tonite Interactive

Misis pinatay ng ex-ofw sa simbahan

436

Dahil umano sa selos kaya pinatay ng isang mister na da­ting overseas Filipino worker (OFW) ang kanyang misis habang nagsisimba ito saka nagbaril naman sa sarili ang suspek sa labas ng simbahan sa kanilang lugar sa Catarman, Camiguin kahapon nang umaga.

Namatay noon din dahil sa tinamong tama ng bala ng kalibre .45 baril sa ulo at dibdib ang biktimang si Ivy Linao, 35-anyos at empleyado sa munisipyo ng Catarman.

Nagpakamatay naman sa pamamagitan ng pagbaril sa kanyang sarili ang suspek na si Celmar Linao, 37-anyos.
Base sa imbestigasyon ng pulisya, nasa loob ng San Roque Parish sa Brgy. Poblacion malapit sa altar ang biktima at nakikinig ng misa nang tutukan ito ng baril ng mister.

Kinalabit ng suspek ang baril pero hindi ito pumutok kung kaya’t nakatakbo ang biktima pero hindi nito nagawang makalayo sa mister dahil kasama niya ang isa nilang anak.

Nang iputok ng suspek ang baril ay tinangka pa umanong salagin ng biktima ang bala kaya nasugatan din ito sa kaliwang kamay.

Matapos ang pamamaril, itinutok naman ng suspek ang kalibre .45 sa kanyang ulo at ipinutok ang baril.

Nabatid na ilang buwan na rin umanong hiwalay ang mag-asawa matapos matuklasan ng biktima na may ibang karelasyon ang kanyang mister.

Nalaman pa kay SPO1 Rosemarie Bana ng Women and Children’s Protection Desk, na noong Disyembre ay dumulog pa sa kanila ang biktima para humingi ng payo tungkol sa problema nito sa mister.

Ayon kay Bana, binantaan umano ng suspek ang biktima dahil sa selos pero hindi nagsampa ng reklamo ang babae sa pulisya sa halip ay pinayuhan na lang ito na dumulog sa Lupong Tagapamayapa.

Nasaksihan din ni Fr. Rolly Aniscal ang buong pangyayari at natigil ang kanyang misa. Itinuloy din ang misa matapos ang insidente kung saan hiniling aniya ni Aniscal sa mga nagsimba na ipagdasal ang nasawing mag-asawa.