Abante Tonite Interactive

Misis pinatay ni mister bago nag-suicide

By , ,
631

Patay ang isang ginang nang barilin ng kanyang mister na isang Customs broker na nagbaril din sa sentido kahapon ng madaling-araw sa Makati City.

Dahil sa tama ng bala sa ulo at dibdib buhat sa 9mm pistol, hindi na umabot nang buhay sa Makati Medical Center (MMC) ang biktimang si Imee Gabriel, 39-anyos, naninirahan sa No. 1874 P. Domingo St., Barangay Carmona, Makati City at pansamantalang nanunuluyan sa Pasay City.

Habang ang mister nito na nagtamo ng isang tama ng bala sa ulo buhat rin sa natu­rang kalibre ng baril at dead-on-arrival sa ospital ay nakilalang si Garry Gabriel, 38-anyos.

Base sa isinumiteng report ni Senior Supt. Roger Simon, hepe ng Makati City Police, dakong alas-dos ng mada­ling-araw nang maganap ang insidente sa loob ng tinutuluyan ni Imee.

Sa panayam kay Simon, matagal nang hiwalay ang mag-asa­wang Garry at Imee at sinasa­bing nagtungo ang ginang sa tinitirhan sa P. Domingo ng nabanggit na lugar at naabutan niya ang kanyang mister.

Nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo ang dalawa at sa kasagsagan ng pagtatalo ay kinuha ni Garry ang kanyang kalibre .9mm at pinutukan nang dalawang beses ang kanyang misis na si Imee.

Nang duguang bumulagta ang ginang, nagbaril naman sa ulo ang kanyang asawa.

Ayon sa ilang kaanak na ayaw magpabanggit ng pangalan, hindi matanggap ng lalaki na may ibang ka-relasyon ang kanyang asawa at ito umano’y isang tomboy.

“Nahuli ng lalaki ang babae na may ibang ka-relasyon, halos mag-iisang taong pa lang silang hiwalay, maliit pa ang mga anak na may edad na 2 or 3 lang,” sabi pa nito.