Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Misis pinayari lover na nangmanyak sa anak

0 538

Arestado ang isang ginang matapos ikanta ng dalawang hired killer na siya umano ang utak sa pagpatay sa kanyang ka-live in sa Santo Tomas City, Batangas.

Unang dinakip ng Santo Tomas Police ang mag-amang hitman na sina Alexander Llanto at John Patrick Llanto, nang masabat ang mga ito ng mga tanod sa Barangay San Antonio checkpoint matapos mangyari ang krimen noong alas-9:35, Huwebes ng gabi.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na ang dalawa ang suspek sa pagpatay kay Teddy Villegas, 49, na pinagbabaril habang natutulog sa loob ng bahay.

Sa presinto, ikinanta ng mag-ama na ang ka-live in ng biktima ang nag-utos sa kanilang patayin si Villegas kapalit ng P10,000.

Agad inaresto ang ginang, na ayaw pangalanan ng pulisya, at umamin naman ito sa ginawa.

Natuklasan aniya niya na minomolestiya ni Villegas ang kanyang anak sa unang asawa. Matagal na aniyang sinisilipan ni Villegas at palihim na kinukuhanan ng picture ang dalagita habang natutulog ito sa kanilang bahay.

Nagsisi na umano siya sa nangyari at nagawa lang niya aniya iyon dahil hindi niya alam kung saan siya lalapit.

Ayon sa naarestong mga hitman, naawa lang sila sa ginang at tinulungan nila ito sa kanyang problema. Inaresto rin ng mga pulis ang isa pang lalaki na siyang naging middleman sa transaksiyon ng mga suspek.

Nakakulong na ang lahat ng mga suspek sa Santo Tomas Police Station at pawang nahaharap sa kasong murder. (Ronilo Dagos)

Leave A Reply

Your email address will not be published.