Abante Tonite Interactive

Misis, Tomboy na lover tinodas ni Mister

By
0 1,832

Pinagbabaril ng isang mister ang kanyang ­misis at ang babaeng hinihinalang karelasyon nito makaraang abutan ang dalawa na magkatabi sa pagtulog sa loob ng kanilang bahay sa Brgy. Poblacion, Matalam, North Cotabato nitong Martes ng umaga.

Ayon kay Supt. Bernard Tayong, tagapagsalita ng North Cotabato provincial police, bandang alas-sais ng umaga nang dumating ang suspek na si Danilo Belgira sa kanilang bahay at dinatnan ang kanyang asawa na si Eve­lyn na natutulog katabi si Miraluna Brigole na diumano’y isang tomboy.

Sumiklab sa matin­ding galit at pagseselos ang suspek at kinompronta nito ang asawa saka kinuha ang kanyang kalibre .45 na baril at pinaputukan ang kanyang misis at ang hinihinalang karelasyon nitong tomboy na si Brigole.

Parehong namatay agad ang dalawang babae, ayon sa ulat.

Mabilis namang nagtungo sa bahay ng mag-asawa ang mga kamag-anak ni Belgira na sina Eduardo dela Torres at Vivien Banes nang marinig ang mga putok ng baril pero pinagbabaril din sila ng suspek at parehong nasugatan.

Nang dumating ang mga pulis ay sinikap ng mga ito na pasukuin si Belgira pero pumalag umano ito at nakipagbarilan pa sa mga awtoridad, na nagresulta sa kanyang pagkamatay.

Ayon kay Supt. Ta­yong, pagseselos ang dahilan kung bakit nagawang patayin ng suspek ang kanyang asawa at lover nitong tomboy.

Inaalam pa ng pulisya kung paanong nagkaroon ng baril si Belgira na isang magsasaka.