Abante Tonite Interactive

Mister na ayaw mangutang tinarakan ni misis

543

By Gene Adsuara

Malubhang nasugatan ang isang mister makaraang tarakan ng kutsilyo sa likuran ng kanyang live-in partner na nagalit nang tumangging ipangutang siya ng biktima, Linggo nang umaga sa Bacoor City, Cavite.

Sasampahan ng kasong frustrated homicide ang suspek na si Liezel Ando Comendador, 44-anyos,­ dahil sa ginawa nitong pananaksak sa kanyang kinakasama na si Ceasar Silapan, 27-anyos.

Sa ulat ni P/SSgt. Francis Mark Cortez ng Bacoor City Police Station, dakong alas-otso ng umaga nang mangyari ang insidente sa loob ng kanilang bahay sa Brgy. Molino 2 kung saan nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa.

“Sinabihan ng babae si Ceasar na umutang dahil meron siyang bibilhin pero tumanggi ang lalaki dahil katuwiran niya ay mahihirapan siyang magbayad,” ayon kay Cortez.

Nagalit umano si Comendador at nagkaroon sila ng mainitang pagtatalo kaya tumalikod na lamang ang biktima pero kumuha ng kutsilyo ang suspek at pinagsasaksak ang kanyang live-in partner.

Unang isinugod ang biktima sa ospital sa Imus pero inilipat sa Philippine General Hospital para sa agarang operasyon dahil maselan ang kanyang saksak sa likuran.

Nabatid na may tatlong anak na ang suspek sa unang asawa nito na halos mga kasing-edad na umano ng biktima.