Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Mister nakuryente na, natuhog pa ng bakal

0 40

Masaklap ang sinapit na kamatayan ng isang construction worker matapos na makuryente at natusok pa ng bakal habang namimitas ng mangga sa Barangay Culiat, Quezon City, nitong Biyernes ng hapon.

Kinilala ang biktima na si Ernie Alvarez Lumahan, 21, may asawa, at nakatira sa Barangay San Vicente sa naturang lungsod.

Sa report ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, bandang alas-12:45 ng hapon nang mangyari ang insidente sa Morning Star Drive, Wilsonville, Barangay Culiat.

Nalaman sa pag-iimbestiga ni Corporal PCpl Lorenz Mappala na umakyat ang biktima sa puno ng mangga para mamitas ng bunga nito nang aksidenteng dumikit sa kable ng kuryente ang bakal na gagamitin sana niya sa panunungkit ng prutas.

Nakuryente ang biktima saka bumagsak sa bakod na may matutulis na bakal kung saan siya natuhog.

Nakarating sa kaalaman ng biyenang babae ng biktima ang nangyari sa manugang kung kaya’t agad na humingi ng tulong si Corazon Amanonse sa mga opisyal ng barangay at isinugod si Lumahan sa Quezon City General Hospital subalit idineklara na itong dead on arrival bandang alas-2:45 ng hapon ng attending physician na si Dr. Tetsuro Jake Hayase. (Dolly Cabreza)

Leave A Reply

Your email address will not be published.