Abante Tonite Interactive

Mister pinaaming may kabit, nagbaril sa sentido

By
1,324

Winakasan ng isang mister ang sariling buhay sa pamamagitan ng pagbaril sa sentido nang talakan ng kanyang mi­sis at pilit na pinaaa­ming may karelasyong babae sa trabaho matapos na umuwing lasing sa kanilang bahay sa Quezon City, Lunes nang gabi.

Kinilala ni SPO1 Hermogenes Capili, imbestigador ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District, ang nasawi na si Rex Españo Rosales, 30-anyos at namamasukan bilang isang stockman.

Ayon ka Capili, umuwing lasing si Rosales sa inuupahan nilang bahay sa ikatlong palapag ng No. 30-B Oliveros Drive, Brgy. Apolonio Samson, Quezon City, dakong alas-nuwebe nang gabi kaya naman nagi­sing ang kanyang misis na nakilalang si Ronah.

Kinompronta umano si Rosales ng kanyang misis at pinaaamin na may karelasyon ito na kasamahang babae sa kompanyang pinapasukan. Pero sa halip na sumagot si Rosales ay iniwan nito ang nagtatalak na misis at pumasok sa kanilang silid saka pinatay nito ang ilaw.

Makalipas ang ilang sandali ay umalingaw­ngaw ang putok ng baril mula sa loob ng kuwarto.

Biglang kinabahan si Ronah kaya agad itong pumasok sa kanilang kuwarto pero nang buksan niya ang ilaw ay tumambad sa kanya ang mister na duguang nakahandusay sa kama.

Dahil sa takot, tinawag ni Rona ang kanyang hipag na nakilalang si Teresa Rosales na agad namang humingi ng saklolo sa kanilang barangay na pinamumunuan ni Armando Pomeda at isinugod ang biktima sa Quezon City General Hospital.

Pero binawian din ito ng buhay dakong alas-2:35 nang mada­ling-araw (September 11), ayon sa attending physician na si Dr. Mary Rose Alvarez.

Narekober ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives sa pinangyarihan ng insidente ang isang kalibre 9mm Armscor na kargado ng anim na bala. Natagpuan din ang isang basyo ng bala ng baril.

Nabatid na tumanggi ang kapatid na babae ni Rosales na paimbestigahan pa ang insidente dahil kumbinsido umano ito na nagpakamatay ang kanyang kapatid.