Abante Tonite Interactive

Mister suspek sa misis na 100 ulit sinaksak

854

May tatlong person of interest na tinitignan ngayon ang Parañaque City Police sa pagkamatay ng isang 29-anyos na ginang na nagtamo ng mahigit sa 100 saksak nitong Martes nang hapon sa lungsod.

Bukod pa dito, may hawak na dalawang testigo ang pulisya na makakapagbigay-impormasyon hinggil sa pagpaslang kay Cristina Torres, 29 ng Block 4 Saint Jude St., Multinational Village, Brgy. Moonwalk.

Ayon kay Police Lt. Col. Yaya Yusop, ng Assistance Chief of Police for Administration ng Parañaque City Police, ngayon aniya ay kabilang umano sa kanilang person of interest ang negosyanteng mister ng biktima na si Noel Torres, 49, at ang itinuturong dalawang construction worker sa kalapit na ginagawang bahay sa kanilang lugar na napapansin nito na may kahina-hinalang kilos bago natuklasan ang bangkay.

Natagpuan ang bangkay ng biktima ng mister nitong si Noel sa loob ng kanilang bahay sa Blk. 4 Saint Jude St., Multinational Village alas-4:30 nang hapon na tadtad ng saksak sa katawan pag-uwi nito ng bahay.

Dalawang anggulo, ayon na rin kay Yusop ang kanilang tinututukan kabilang na ang pagnanakaw at selos matapos matuklasang nagpa-blotter nitong
Abril ang biktima sa barangay dahil sa pananakit sa kanya ng asawa.

Inihayag din umano ng testigo na madalas magtalo ang mag-asawa dahil sa selos na napag-alamang noon lamang nakaraang taon nagpakasal kaya wala pa silang anak.

Biktima dating talent ng ABS-CBN
Nilinaw naman ni Col. Yusop na hindi pa rin nila iniaalis ang anggulong pagnanakaw lalo na’t bukas ang kaha-de-yero sa silid ng mag-asawa at nagkalat ang mga gamit na palatandaang naghalughog ang suspek.

Bagama’t walang nakuhang salapi dahil puro mga papeles ang laman ng kaha-de-yero, nawawala naman ang cellular phone ng biktima.

Sa naging pahayag naman ni Maj. Fernando Carlos, hepe ng Parañaque police Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB), mayroon umanong naging karelasyon ang biktima noong isa pa siyang ta­lent ng ABS-CBN at batid ito ng kanyang mister na si Noel.

Selos sa ex ni misis, sinisilip
Hindi naman umano nalingid sa kaalaman ni Noel na bago pa man sila magpakasal ni Cristina ay tinapos na ng ginang ang kanyang pakikipag-relasyon sa lalaki.

Gayunman, natuklasan umano ng mister na nakikipag-palitan pa rin ng mensahe sa pamamagitan ng text ang kanyang misis sa naging karelasyon kaya madalas silang magbangayan.

Pinag-aaralan na rin ng pulisya kung may nahagip na kuha ang close circuit television (CCTV) camera sa lugar na posibleng maging daan upang matukoy ang tunay na salarin. (Armida Rico)