Abante Tonite Interactive

Misyon ni Coco, bistado na

100

LALONG malalagay sa peligro ang buhay ni Cardo (Coco Martin) dahil kumalat na sa social media ang video na nagpapakitang kasama niya ang rebeldeng grupong Pulang Araw sa teleseryeng FPJ’s Ang Probinsyano.

Tagumpay si Direktor Hipolito (John Arcilla) na sirain ang pangalan ni Cardo sa publiko matapos nitong ipakalat ang video kung saan kasama nito ang Pulang Araw sa pagsugod sa isang grocery store.

Mas titindi pa ang pa­nganib dahil mas lumalapit na ang posibilidad na masiwalat sa mga rebelde na miyembro ng Special Action Force si Cardo, na maglalagay sa buhay niya sa bingit ng kamatayan.

Sa kabila ng patuloy na operasyon ng mga kalaban, hindi padaraig si Cardo dahil nadiskubre niya na ang pagtatraydor ni Alakdan (Jhong Hilario) sa grupo at ang makasariling plano nitong angkinin ang pagkapinuno ng Pulang Araw.

Makakasama na nito si Anton (Mark Lapid) sa pag-aklas na lalong magpapalaganap ng kasamaan at kikitil ng mga inosenteng buhay.

Maging ligtas pa rin kaya si Cardo mula sa mga kalaban?
Paano niya matatalo sina Alakdan at Anton?

Magtagumpay kaya si Direktor Hipolito na tapusin si Cardo?