Abante Tonite Interactive

ML extension kukuwestyunin ng LP

79

Sisiguraduhin ng Liberal Party (LP) na kanilang bubusisiin nang husto ang limang buwang hinihirit ng Martial Law extension ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Kasabay na rin ito ng paghimok ng partido sa kanilang mga kasamahan sa Kongreso na tumayo at magsalita at huwag haya­ang masayang ang isasagawang joint session.

Sa isang statement, sinabi ng LP na marami silang katanungan kaugnay sa hinihirit na extension ng Pangulo na inaa­sahan nilang masasagot sa gagawing joint session ng Kongreso sa Sabado.

Pangunahin pa ring kinukuwestiyon ng partido ay ang limang buwang extension na hinihirit ng Pangulo gayundin ang ­layunin nito.

“Bakit kinakaila­ngang isailalim ang Mindanao sa Martial Law nang lima pang buwan? Ano ba ang layunin nito? Sa ilalim ng pinalawig na panahong ito, anu-ano ang inaasa­hang mangyari ng Pangulo?” bahagi pa ng mga ­katanungan ng LP.

Bukod dito, nais din umanong malaman ng partido kung anong kapangyarihan ng Pangulo ang nais nitong ipatupad sa panahong nasa ilalim ng Martial Law na iba sa kapangyarihang ipinagkaloob sa kanya ng Kons­titusyon.

Dahil dito, tiniyak ng partido, na bilang kinatawan ng mamamayan sa Kongreso, masusi nilang busisiin kung may basehan at tama na palawigin ang Martial Law.