Abante Tonite Interactive

MM nightspots bantay sarado sa SEAG — Sinas

232

Aabot sa 15,000 pulis ang ipakakalat ng ­National Capital Region Police Office sa Metro Manila, kabilang ang mga night spot kung saan inaasahang maraming foreign guest ang daragsa dahil 30th Southeast Asian Games 2019 sa Nobyembre 30-­Disyembre 11 sa bansa.

Ipinahayag Martes ni NCRPO acting director Brig. Gen. Debold Sinas, na halos 100 porsiyento nang handa ang kapulisan at send-off ceremony na lang ang kulang sa preparasyon.

Dinagdag niyang maging ang clubs, bars o anumang nighspots ay may itatalaga silang mga kapulisan, may mga police escort din ang mga gigimik para masiguro ang seguridad ng mga atleta at mga kasamang foreign guest.

Nabatid npang ipatutupad ang gun ban sa ilang rehiyon simula sa Nobyembre 20, bilang bahagi ng security measures para sa SEAG.

Sinuspinde ang permit to carry firearms, at ang mga pulis, sundalo, at iba pang miyembro ng law enforcement agencies na may official duty lang ang mga papayagang magdala ng baril, pati ang mga kalahok sa shooting competition sa nasabing palaro.

May kabuuang 27,440 pulis sa bansa ang ipakakalat para tiyakin ang seguridad sa SEA Games.

Makikipag-tulungan din ang hanay ng kapulisan sa Metropolitan Manila Development Authority para sa sitwasyon naman sa trapiko. (Dolly Cabreza)