Abante Tonite Interactive

MM trapik, maiibsan sa bus ban

By
2,230

Malapit nang maibsan ang problema ng trapiko sa buong Metro Manila.

Ito ay magsisimulang maranasan ng mga motorista at riding public sa darating na Miyerkoles, Agosto 1.

Nitong July 15 sana nakatakda ang naturang direktiba kaso kinaila­ngan pa ng panahon upang ma-fine tune ang hindi na pagpapapasok ng provincial buses sa Metro Manila tuwing rush hour.

Hindi naman ito nangangahulugan na malaki ang mawawalang parokyano ang naturang bus company dahil may oras lamang na itinakda ang MMDA sa mga ito at ito ay mula 7am hanggang 10am at 6pm hanggang 9pm.

Ang mga apektadong lugar ay ang EDSA hanggang Pasay at ang EDSA hanggang Cubao, Quezon City.

Sa buong maghapon tinatayang umaabot hanggang isang libong bus ang pumapasok sa nabanggit na mga ruta.

Kung susuriing maige, parang nakalimutang isama ng MMDA ang ruta ng provincial bus na tumatahak sa SLEX extension at liliko pakaliwa sa Buendia patungo sa mga terminal diyan sa kanto ng Buendia at Taft Avenue.

Ngunit baka sa darating na July 24 kung saan gaganapin ang dry run o isang araw matapos ang SONA ni PRRD, baka mapansin din ito ng MMDA kasi sinisiguro natin na magsisiksikan dito ang mga bus gaya ng JAC Liner, JAM, DLTB at iba pang biyaheng Laguna, Batangas at Bicol na provincial bus.

Ngayon pa lamang ay paiyakan na ang daloy ng naturang ruta lalo’t kasagsagan ng construction ng Skyway extension sa naturang lugar.

Ngunit kung EDSA magpahanggang Cubao, kumbinsido ang Moto Rista na malaki ang mababawas sa trapiko ang panukala.

Good luck and good job!