Abante Tonite Interactive

MMDA nakahanda sa ‘ber months’

By
189

Nakaalerto ngayon ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa posibleng ‘carmageddon’ o mas matinding trapik na mararanasan nga­yong ‘ber months’ o sa susunod na apat na buwan dahil sa umpisa na ang pagdagsa ng mga shopper sa mga mall, ilang road repairs at pagsasara ng ilang tulay sa Metro Manila.

Dahil umpisa na ng ‘ber months’, mara­ranasan na ang mas lalo pang ma-trapik sa ilang pangunahing lansangan sa Metro Manila kung saan umpisa na ang pagdagsa ng mga mamimili sa mga mall para sa pagbili ng kanilang mga Christmas gift.

Aniya, lalo pang mas titindi ang trapik sa Metro Manila dahil sa ilang road repairs at ang isasagawang pagsasara sa Old Sta. Mesa Bridge sa Maynila at Estrella Pantaleon Bridge sa Makati City ngayong buwan ng Setyembre para sa rehabilitasyon nito.

Nabatid na kamakailan ay inimpormahan ang MMDA ng kontraktor ng Sta. Mesa Bridge na isasara ito para bigyang-daan ang construction ng Skyway Project.

Ang naturang tulay ay kumokonekta sa San Juan at Quezon City.

Sinabi ni MMDA Special Operations Task Force Commander Bong Nebrija na aabu­tin ng pitong buwan ang rehabilitasyon nito.

“Sabi nga namin, thank you for giving us a lot of time ano, to prepare for this. Gigibain nila ‘yun so that their barges could go through. Ang problema, then they will replace it. That is 7 months (of) work,” ani Nebrija.

Ang kontraktor nito ay magsisimula nang maglagay ng mga signage para sa mga alternatibong ruta at nagsisimula na rin ang MMDA sa clearing ope­ration kontra sa mga traffic obstruction.

Samantala, ang Estrella Pantaleon Bridge naman na kumokonekta sa Mandaluyong at Makati City ay naka-schedule ngayong Set­yembre ang pagkukumpuni.

“More or less mga 100,000 vehicles ang dumadaan diyan so ibig sabihin kung ‘di ka na makakadaan diyan, that’s an alternate route for Guadalupe, so saan pupunta ‘yan, Guadalupe,” dagdag pa ni Nebrija.

Sa unang quarter naman ng 2019 ay nakatakdang isailalim sa rehabilitasyon ang Guadalupe Bridge.

Umapela si Nebrija sa publiko na makipagtulungan sa pagresolba ng trapik sa Metro Manila. ­