Abante Tonite Interactive

MMDA pasimuno sa marumi at maitim na usok

1,783

Sa kabila ng mahigpit na kampanya ng gobyerno kontra sa mga bulok at mausok na mga public utility vehicle (PUVs), isa sa mga behikulo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang nakuhanan ng video ng isa sa mga motorista na nagbubuga ng maitim na usok.

Sa 20 segundo na video ng isang netizen na si Moises Meman, na nai-post sa social media (Facebook), nabatid na ang service vehicle ng MMDA na may government plate number SEK 769, ay luma­bag sa Republic Act No. 8749, o ang Clean Air Act dahil nagbubuga ito ng maitim na usok.

Sa kuha ni Meman, nangyari ito ng alas-tres ng hapon noong Pebrero 11 ng taong kasalukuyan sa Kalaya­an Avenue patungong EDSA.

Ang pagkuha aniya niya ng video sa behikulo ng MMDA na nagbubuga ng maitim na usok ay upang tawagin ang atensiyon ng pamunuan ng ahensiya at kung talagang sinsero sila sa kanilang kampanya.

Sa panig naman ng MMDA, ayon sa taga­pagsalita nito na si Celine Pialago, iniim­bestigahan na aniya nila ang insidenteng ito at inaalam na rin nila kung alin sa mga behikulong ito ang nagbubuga ng maitim na usok para irekomenda ito sa calibration.

Sabi pa ni Pialago, base sa kautusan ni MMDA Assistant Gene­ral Manager for Operations Roberto Almadin, kapag napatunayan ang paglabag, nabatid na ii-impound sa motorpool ang naturang behikulo at kung sino man ani­ya ang naging dri­ver nito ay posibleng maha­harap sa kaso. ­(Armida Rico)