Abante Tonite Interactive

MMDA sablay sa single-passenger car ban

By
1,059

Binatikos ng isang kongresista ang Metro­­po­litan Manila Development Authority­ (MMDA) sa High Occupancy Vehicle (HOV) traffic scheme sa kahabaan ng Edsa dahil tila ineengganyo nila ang mga motorista na huwag nang gumagamit ng sasakyan.

Sa naturang paandar ng MMDA ay bawal nang bumiyahe mula sa North Edsa, Quezon City hanggang sa Magallanes, Ma­kati City ang sasakyan na drayber lamang ang sakay tuwing rush hour o pagsapit ng alas-siyete nang umaga hanggang alas-10:00 nang umaga at alas-6:00 nang gabi hanggang alas-9:00 nang gabi tuwing weekdays.

Sinimulan ang dry run ng HOV nitong Agosto 15, kung saan halos 3,000 sasakyan ang nasita, pero 81 la­mang ang nakitang driver lang ang sakay ng sasakyan.

Kapag pormal nang ipinatupad ang natu­rang patakaran, ang violator ay pagmumultahin ng P1,000.

Ayon kay Buhay Rep. Lito Atienza, dapat solusyunan ng MMDA ang tunay na pinagmumulan ng pagbibigat ng trapiko, tulad ng mga iligal na terminal ng mga pampasaherong sasak­yan at ang katiwalian na naging kalakaran na ng mga tauhan ng ahensya.

“Why are you now punishing the citizen? Huwag kayong guma­mit ng kotse during rush hours.

“Paano ‘yung nanay na naghatid ng anak uuwi ngayon mag-isa hindi na puwede? Da­daan ka ngayon sa interior road, pagdaan mo sa interior at umaambon dalawang oras ka na roon dahil barado na ang lahat ng junction,” dagdag ni Atienza.

Nilinaw naman ng MMDA na hindi nila ineengganyo ang publiko na huwag nang ga­mitin ang kanilang sasakyan.

“We’re not saying don’t bring your cars; there are only hours when drivers-only are not allowed,” ayon kay Assistant Secretary at MMDA Spokesperson Celine Pialago.

Sinabi ni Pialago na umaasa ang MMDA na mababawasan ng 25 porsyento ng sasakyan ang EDSA kapag tuluyan itong ipinatupad dahil 70 porsyento ng sasakyang dumadaan sa nasabing highway ay driver lang ang sakay.