Abante Tonite Interactive

MMDA sinuway! DPWH-Villar tuloy sa EDSA, C5 reblocking

297

Ngayong weekend may aasahan na mas matinding trapiko dahil sa patuloy ang ‘road-reblocking’ sa EDSA, C5 Road at iba pang kalsada sa Metro Manila sa kabila ng unang inanunsyo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na may ‘moratorium’ o suspensyon sa lahat ng ‘road repairs’ para mabawasan ang mabigat na trapiko dulot ng nalalapit na Kapaskuhan.

Kabilang sa mga kalsada na isasailalim sa ‘reblocking’ ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang ‘southbound’ ng EDSA mula P. Tuazon flyover hanggang sa pagbaba sa Boni Serrano flyover at ‘northbound’ ng EDSA mula Aurora Boulevard hanggang New York St.

Magkakaroon rin ng pagkumpuni ng kalsada sa northbound ng Katipunan Avenue/C5 Road paglagpas ng CP Garcia (ikatlong lane mula sa center island).

Ang iba pang kalsada na magkakaroon ng ‘reblocking’ ang A. Bonifacio Avenue, G. Ara­neta St., General Luis St. at Ellipical Road sa Quezon City.
Uumpisahan ang pagkumpuni dakong alas-11:00 ng Biyernes nang gabi (Nobyembre 22) hanggang alas-5:00 ng Lunes nang umaga (Nobyembre 25) kaya pinayuhan ang mga motorista na iwasan ang mga kalsada at humanap ng alternatibong ruta.

Magugunitang nitong Oktubre 22, nagpa­labas ang MMDA ng pahayag na nagkasundo sila ng DPWH na magpapatupad ng ‘morato­rium’ sa ‘road reblocking’ partikular sa EDSA at C5 Road epektibo mula Nobyembre 11, 2019 hanggang Enero 11, 2020 maliban sa mga pa­ngunahing proyekto ng gobyerno o kung may emergency.

Ngunit wala namang tumugon sa mga opisyal ng MMDA kung nabigyan ng pahintulot ang DPWH sa pagkumpuni sa naturang mga kalsada. (Armida Rico)