Abante Tonite Interactive

MMDA tinapalan ng Grab ng 100 body camera

By
2,913

Nakatanggap ng 100 body camera ang Metropolitan Manila Development Authority­ (MMDA) mula sa pinamalaking Transport Network Company (TNC) sa bansa.

Sa flag ceremony na isinagawa kahapon sa tanggapan ng MMDA, sa harapan mismo ng mga kawani ay tinanggap ni Chairman Danilo Lim ang donasyon na nasa 100 body came­ras mula kay Brian Cu, head ng Grab Phillippines.

Pinasalamatan ni Lim si Cu, dahil ang mga body cameras ay malaki ang maitutulong sa pagmamantina ng daloy ng trapiko sa Metro Manila at para sa pagpo-promote ng transparency sa panghuhuli ng mga traffic violator.

“Ito yung mga gamit na kailangan namin. This will go a very long way in terms of ma­king a difference sa pagganap ng tungkulin ng ating mga traffic enfor­cers. Napakahalaga nito. Maraming maraming salamat. Patuloy tayong magtulungan para sa ikabubuti ng Metro Manila,” paliwanag ni Lim.

Sa kabila ng tinanggap na donasyon, tiniyak naman ni MMDA General Manager Jojo Garcia, na hindi ligtas sa huli ang mga driver ng Grab Philippines kung sila ay lalabag sa batas trapiko.

“Wala kaming inilalabas na ganung order. Gusto nating ipa­kita ang transparency. Makita natin ang mga traffic enforcers ‘pag minumura, inaaway or sinasaktan sila. Sa motorista naman, pag nanghihingi ng lagay,” ani Garcia.

Ang mga body ca­meras ay ibibigay sa mga traffic enforcer na nagbabantay sa Edsa at ilang pangunahing lansangan pagkatapos nilang sumailalim sa training.