Abante Tonite Interactive

MNLF rebel, uncle tiklo sa P1M shabu sa QC

178

By Dolly Cabreza

Naaresto ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang isang aktibong miyembro ng Moro National Liberation Front (MNLF) at ang kanyang tiyuhin sa buy-bust operation sa Quezon City.

Iprinisinta kahapon ni NCRPO Director, Police Major General Guillermo Lorenzo Eleazar sa media sa QCPD headquarters sa Camp Karingal ang mga naaresto ng Project 4 Police Station sa pamumuno ni PLt. Col. Jeffrey Bilaro na sina Bismar Sabtula Nadduha, 25; at tiyuhing si Jinsir Abduhaddi Jhol, 40, kapwa taga-No. 569 Sta. Catalina, Brgy. Holy Spirit.

Abante Hiring – IT dep

Sa report, ang pagkakaaresto sa dalawa ay ‘offshoot’ sa ‘anti-drug operation’ nitong Mayo 8, 2019, sa Brgy. Old Balara ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) kung saan nadakip sina Nemia Castillo at Marites dela Cruz, at tumuga na kina Nadduha at Jhol galing ang ibinebenta nilang shabu.

Agad na nagkasa ng buy-bust alas-siyete nang gabi nitong Mayo 10, 2019 sa No. 359 3rd St., Sta. Catalina, Brgy. Holy Spirit.

Isang pulis ang tumayong buyer at habang nagkakapalitan ng P50,000.00 halaga ng binibiling shabu ay lumantad na ang mga operatiba ng SDEU sa kanilang pinagtataguan at dinakma ang mga suspek na nakumpiskahan ng 150 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P1,020,000.00.

Inamin naman ng mga suspek na ang shabu na kanilang ibinebenta ay galing ng Southeast Asian country at naipupuslit sa bansa sa pamamagitan ng ‘backdoor channel’.