Abante Tonite Interactive

Mobile Legends SEA Cup patok

280

LITO OREDO

Magsasagupa ang mga mahuhusay na koponan sa electronic sports o eSports sa Mobile Legends: Bang Bang South East Asia Cup (MSC) 2019 sa Araneta Coliseum sa Quezon City sa parating na Hunyo 19-23.

Mapapanood ang kalibre ng dalawang koponan ng Pilipinas na sasagupa kontra sa siyam na dayuhang grupo sa paghaharap-harap ngayong linggo sa pagpapakilala ng kanilang kaalaman sa sport ng mga milenyal gamit lamang ang isang cellphone.

Kakatawanin ang bansa ng ArkAngel at Bren Esports kung saan ay makakalaban ng mga ito ang mga powerhouse na Indonesia na OnicEsports at Louvre Esports, at ng Malaysia na Geek Fam at EVOS, at ang Esports SG ng Singapore.

Dalawang team din ang magiging pambato ng Myanmar — Team Resolution at Burmese Ghouls — habang ang Thailand ay bibitbitin ng IDNS. Isasagupa ng Vietnam ang Overclockers, ang Diversity Helheim para sa Cambodia, at ang Wawa Gaming mula sa Laos.

Ang Mobile Legends: Bang Bang SEA Cup (MSC) 2019 ang isa mga prestihiyoso at inaabangan sa rehiyon ng elite-level e-gamers na torneo tampok ang squad ng siyam na bansa.

‘Di lang tropeo at titulo ang pinaglalabanan sa torneo kundi pati na ang mahigit na US$120,000 na mga premyo.

Kinukunsidera ang torneo na preview pa rin sa binyag ng eSports sa 30th Southeast Asian Games 2019 sa bansa rin sa Nob. 30-Dis. 11, tampok ang 11 bansa.