Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Modelong 90’s ayos pa ba?

0 247

Corolla, Sentra, Lancer, Familia, Pride.

Ang mga ito ang sikat na tsikot mula kalagitnaan ng dekada 80’s hanggang 90’s.

Ang naunang apat na mga variant ay pawang mula sa mga Japanese brands na Toyota, Nissan, Mitsubishi at Mazda samantalang ang huli ay gawa ng Korean brand na Kia.

Pagpasok naman ng dekada nobenta umarangkada na rin ang Civic na gawa ng Honda hanggang sa dumami na nang dumami ang variant ng mga kotse sa Pilipinas.

Pero ang tanong, kung ngayon ba bibili ng mga ganitong modelo ng sasakyan para araw araw na ibiyahe mula sa bahay papasok sa trabaho ay uubra pa?

Ang totoong sagot diyan ay depende.

Maraming depende ang dapat na pagbatayan, unang una ay ang sinasabing availability ng piyesa dahil bagama’t maaaring kondisyon ang nabili mong ganitong modelo ng sasakyan, hindi mo masasabi kung kailan ka ititirik o masisiraan.

Sa usapin ng piyesa, siguradong ang pinakamaraming mapagkukunan ay ang Corolla dahil nang ito ay ilabas sa merkado, halos lahat ng may kakayahang bumili ay ito ang kinuha, pati mga kumpanya ng taxi.

Mas marami pa rin ang tumatakbong ganitong unit sa kasalukuyan kumpara sa ibang mga kasabayan, indikasyon na marami pang mapagkukunan ng piyesa sa tabi-tabi.

Ang ibang mga nabanggit na brands ay bihira nang makita sa mga lansangan kung kaya’t mas maganda sigurong iwasan na lang ang mga ito kung naghahanap ng dekada 80’s o 90’s na sasakyan na magagamit ngayong pandemic.

At gaya ng mga nauna kong nabanggit na tips sa pagbili ng mga segunda-manong sasakyan, gamitin din ang mga ito sa pagkilatis ng mga kotse na aking tinutukoy dito sa episode ngayon.

Kung magaling lamang mag-alaga ang naghahanap ng ganitong mga uri ng sasakyan ay siguradong tatalunin pa sa kondisyon ang mga mas bagong modelo na pabaya at puro sakay lang ang alam ng mga may-ari.

Isa rin itong simbolo na ang may-ari ay masinop sa buhay, simple subalit marunong tumantiya ng kung ano mang magiging desisyon sa isang situwasyon.
Ayos ba?

Leave A Reply

Your email address will not be published.